Archive for September, 2005

ma re- ‘red eye’ ka sa inis at.. sige, konting tawa.

Saturday, September 17th, 2005

"Red Eye"

nakapipigil-hiningang pelikula.rachel mcadams.cillian murphy.wes craven.

I.   akting/epek

Umpisa pa lang, masusuya ka na sa kahilawan ng akting ng mga bida, lalo na ang bidang lalaki na walang pinagkaiba sa pagganap ng dalawang magkaibang karakter mula simula, hanggang wakas ng palabas.  (At bakit wala man lamang s’yang tinamong sugat/ gasgas, gayong lahat na halos ng maiibabato, ay naibato na sa kanya at lahat halos ng maihahampas ay naihampas na sa kanya??)

Ang bidang babae naman ay kakikitaan ng bahagyang pagkalunod sa kanyang karakter habang pilit na sinusubukang magmukhang kalunos-lunos sa bawat eksenang kinakailangang magmukha s’yang kaawa-awa.  (Huwag nating kalimutan ang nag-iisa at napakaliit na sugat na kanyang natamo, resulta ng pagkakabangga ng kanyang minamanehong kotse).

II.   istorya

Malabnaw… tila lugaw na walang sahog.  Malamya ang pagtahi sa istorya.  Hindi masyadong pinag-isipan kaya’t maraming butas ang karamihan sa mga eksena.  Isang tipikal na pelikulang kano na iduduyan ka lang sa animo’y sunod-sunod na kakaba-kabang mga eksena at biglang tapos na dahil kailangan nang matapos.

III.  atibapa.

Ang tagal dumating ng mga pulis.  Talagang kinailangan munang mamatay ng kontra-bida bago marinig ang sirena ng mga hagad.

(Ay, Philippine setting pala ito!)

HUSGA:  Mali ang genre. Komedya pala ito. 

GRADO: xx

Legend:

xxxxx   -   rak en rol! :)

xxxx    -   oks na oks. sana lang kasama mo si ‘tu tut’ ;)

xxx     -    keri lang. walang epekto. :I

xx       -    sayang sa pera at oras.  sana nag- videoke ka nalang. :(

x        -    buong buhay mong pagsisisihan ang panonood ng pelikulang ito. :&